35,000 Batang Rosense, Target Mabakunahan Kontra Measles at Rubella ngayong Agosto
131
By:Trixie Mae B. Umali
August 7, 2026 | 4:34 PM (GMT+8)
"Walang Batang Maiiwanan" (Not One Less). Ito ang pangunahing mensahe ng Department of Health (DOH) sa pagpapatupad ng 2026 Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MRSIA) with Vitamin A Supplementation (VAS) na naglalayong maprotektahan ang bawat batang Pilipino laban sa measles at rubella. Magsisimula ang kampanya sa Agosto 10, 2026.
Bilang paghahanda, nagsagawa ang City Health Office I at II ng Stakeholders' Engagement Meeting noong Agosto 6, 2026 sa Seda Nuvali, City of Santa Rosa, Laguna.
Sa pakikipagtulungan ng DOH at Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa pamamagitan ng Gabay Bakuna Project, tinalakay sa pagpupulong ang kasalukuyang sitwasyon ng measles at rubella sa bansa, ang kahalagahan ng routine at supplemental immunization, target na populasyon, vaccination strategies, at iskedyul ng implementasyon ng MRSIA.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gabay Bakuna Consultant Dr. Enrique Tayag na mahigit 35,000 batang may edad 6 hanggang 59 buwan sa Lungsod ng Santa Rosa ang target na mabakunahan. Aniya, layunin ng kampanya na maabot ang hindi bababa sa 95% vaccination coverage upang mapigilan ang pagkalat ng mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Samantala, ibinahagi ni DOH Representative Mark Angelo Calabia na kabilang ang Santa Rosa sa Phase 3 ng implementasyon ng MRSIA ngayong Agosto. Aabot sa tatlong linggo ang vaccination campaign simula Agosto 10, at isasagawa ito sa mga fixed posts tulad ng barangay health stations at health centers, gayundin sa mga temporary fixed posts gaya ng community centers, basketball courts, school grounds, at iba pang lugar na maaaring mapagtipunan upang mas mailapit ang serbisyo sa mga komunidad.
Layunin ng pagpupulong na higit pang palakasin ang koordinasyon ng iba't ibang sektor upang matiyak ang matagumpay na implementasyon ng vaccination campaign.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa mga barangay, homeowners' associations, pampubliko at pribadong ospital, at ng Philippine Pediatric Society.
Binigyang-diin din sa pagpupulong ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng lokal na pamahalaan, healthcare providers, community organizations, at iba pang katuwang upang mapataas ang vaccination coverage, mabawasan ang mga batang hindi naaabot ng immunization program, at mapalakas ang tiwala ng publiko sa pagbabakuna.
Sa pagtatapos ng aktibidad, muling binigyang-diin ng DOH ang mensaheng "Barangay ay Protektado Kung Bawat Bata ay Bakunado," bilang paalala na ang kaligtasan ng buong komunidad ay nagsisimula sa pagbabakuna ng bawat batang karapat-dapat.