UTC/GMT+8 - October 25, 2026 | 2:07 AM
Stay Up-to-date

SANTA ROSA CITY NUTRITION COMMITTEE, UMANI NG MGA PARANGAL SA 2026 RNAC

84

By: Maria Victoria Cariño
October 22, 2026 | 2:50 PM (GMT+8)
SANTA ROSA CITY NUTRITION COMMITTEE, UMANI NG MGA PARANGAL SA 2026 RNAC
SANTA ROSA CITY NUTRITION COMMITTEE, UMANI NG MGA PARANGAL SA 2026 RNAC

2026 RNAC (Photo by: John Reymar de Jesus / CIO)

Muling umani ng mga parangal ang Lungsod ng Santa Rosa bilang pagkilala sa mga programang pang-nutrisyon nito sa nagdaang 2026 Regional Nutrition Awarding Ceremony na ginanap noong Oktubre 15, 2026 sa Hotel Casiana and Events Center sa Tagaytay City.

Una sa mga iniuwing parangal ay ang Certificate of Recognition for being an Exemplary Nutrition Partner na personal na tinanggap ni City Mayor Arlene B. Arcillas mula kay Dr. Adriano Suba-an, Chairperson ng CALABARZON Regional Nutrition Committee at Regional Director ng Department of Health Center for Health Development CALABARZON, at Lourdes Bulante-Orongan, Regional Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council CALABARZON.

Nakamit din ang Nutrition Honor Award Maintainer 2025 para sa pagpapanatili ng komitment ng lungsod sa Philippine Plan of Action for Nutrition sa pamamagitan ng dekalidad na nutrition interventions at huwarang pamamahal ng programang nutrisyon.

Unang nakamit ng Santa Rosa ang Nutrition Honor Award (NHA), ang pinakamataas na parangal para sa lokal na pamahalaan sa larangan ng nutrisyon, noong 2018. Mula noon, patuloy na nagsikap ang lungsod na higit pang pagbutihin ang kalidad ng mga programa at serbisyong nakatuon sa kalusugan at nutrisyon ng bawat pamilyang Rosense.

Isa pang Certificate of Recognition ang tinanggap ng lungsod para sa Lowest Wasting Prevalence Among School-Age Children for CY 2025.

Ginawaran din ang lungsod ng Special Award—ang Nutrisys PH Smart City LGU Recipient—mula sa Department of Science and Technology CALABARZON, kasama ang NNC at DOH-CHD, para sa pagiging Pilot Local Government Unit sa isinagawang pagpapatupad ng NutrisysPH, na idinisenyo upang magsilbing centralized digital repository ng mga nutrition-related records at mga dokumentong kinakailangan para sa Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation Protocol (MELLPI Pro). Katuwang ng DOST CALABARZON at NNC CALABARZON ang Colegio de San Juan de Letran Calamba sa proyektong ito.

Sa kanyang pananalita, sinabi ni Mayor Arlene na ang mga parangal na natanggap ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga tagapagtaguyod ng programang pang-nutrisyon sa mga antas ng lungsod at barangay.

“These recognitions represent the work of our entire Santa Rosa Nutrition Committee, our barangay officials, health professionals, Barangay Nutrition Scholars, volunteers, parents, and partner institutions,” aniya.

Binigyang diin din niya na kinakailangan ang pakikiisa ng bawat sektor upang maipagpatuloy ang magandang nasimulan tungo layuning ito.

“Government can provide programs and resources, but lasting progress requires cooperation among our families, communities, institutions, and nutrition workers,” banggit ni Mayor Arlene.

Samantala, nanguna rin ang Santa Rosa sa Search for the Regional Outstanding City Nutrition Program Coordinator, kung saan kinilala bilang 1st Placer si Perlita Castrillo, at sa Search for Regional Outstanding Barangay Nutrition Scholar, kung saan nanguna rin bilang 1st Placer si Nora Wenona Encina ng Barangay Ibaba.

Kinilala rin bilang 2nd Placer sa Search for the Regional Outstanding City Nutrition Action Officer si Carmencita “Amy” Catindig, at finalist naman sa Search for the Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee ang Barangay Pulong Sta. Cruz na tinanggap ni Barangay Chairperson Christopher Sarmiento.

Sinabi ni City Nutrition Action Officer Amy na patuloy nilang pagbubutihin ang pagpapatupad ng mga programa sa City Nutrition Office bilang pagsuporta sa layunin ni Mayor Arlene na makamit ang zero malnutrition sa lungsod.
Share article:

Related Articles