UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 11:08 AM
Stay Up-to-date

Santa Rosa, kinilala sa GCash Digital Excellence Awards

By: Trixie Mae B. Umali
March 2, 2026 | 11:30 AM (GMT+8)
Santa Rosa, kinilala sa GCash Digital Excellence Awards

GCash Digital Excellence Awards (Photo by: Monroe Cueto / CIO)

Muling nag-uwi ng karangalan ang Lungsod ng Santa Rosa matapos magawaran ng Digital Breakthrough Growth Award mula sa prestihiyosong GCash Digital Excellence Awards (GDEA) na ginanap noong Pebrero 19, 2026 sa Grand Hyatt Manila.

Kinilala ang Santa Rosa bilang nag-iisang lungsod mula sa buong lalawigan ng Laguna na nakatanggap ng nasabing parangal. Patunay ito ng mabilis at epektibong digital transformation ng lokal na pamahalaan at ng patuloy na pagsisikap nitong gawing mas episyente ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.

Personal na tinanggap ni City Information and Technology Officer Mr. Harry Pagkalinawan ang parangal sa ngalan ng lungsod.

Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa patuloy na pagtaguyod ng Santa Rosa sa digitalization at sa paggamit ng digital financial solutions upang gawing mas mabilis, mas ligtas, at mas accessible ang mga serbisyong pampubliko.

Ang GDEA ay kumikilala sa mga natatanging public sector partners, kabilang ang mga local government unit, national government agency, mga institusyong pangkalusugan at pang-edukasyon, at mga utility service provider. Layunin nitong itampok ang mga gumagamit ng makabagong teknolohiya upang isulong ang modernong pamamahala, patatagin ang mga komunidad, at palawakin ang access sa ligtas at inklusibong serbisyong pinansyal.

Sa temang “Honoring Digital Excellence, Empowering the Future,” pinarangalan sa seremonya ang 45 partner mula sa siyam na kategorya na nangunguna sa digital transformation ng Pilipinas.

Sa patuloy na pagyakap ng Santa Rosa sa makabagong teknolohiya, mas napapabilis ang mga transaksyon, nababawasan ang pila, at mas napapalapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan. Ang pagkilalang ito mula sa GDEA ay hindi lamang parangal. Isa rin itong patunay na ang Santa Rosa ay kabilang sa mga nangunguna sa digital governance at patuloy na kumikilos tungo sa mas moderno, episyente, at maaasahang serbisyo publiko para sa lahat.
Share article:

Related Articles