UTC/GMT+8 - June 15, 2026 | 9:52 PM
Stay Up-to-date

Santa Rosa, nakatanggap ng “Unqualified Audit Opinion” mula sa COA

59

By: Trixie Mae B. Umali
June 15, 2026 | 1:58 PM (GMT+8)
Santa Rosa, nakatanggap ng “Unqualified Audit Opinion” mula sa COA
Muling pinatunayan ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang matatag nitong financial management matapos makatanggap ng Unqualified Audit Opinion mula sa Commission on Audit (COA) para sa taong 2025.

Batay sa Annual Audit Report na ipinaabot ng COA noong Hunyo 9, 2026, nabigyan ng Unqualified Opinion ang Lungsod ng Santa Rosa matapos ang isinagawang pagsusuri sa financial statements at operasyon ng pamahalaang lungsod para sa taong nagwakas noong Disyembre 31, 2025.

Ang Unqualified Audit Opinion ang pinakamataas na uri ng opinyon na maaaring ibigay ng COA sa financial statements ng isang ahensiya o local government unit. Ibig sabihin nito, naipakita nang patas, maayos, at alinsunod sa mahahalagang pamantayan ang financial position, financial performance, cash flows, at paghahambing ng budget at aktuwal na paggastos ng lungsod.

Ayon sa ulat ng COA, ang financial statements ng City Government of Santa Rosa ay naipresenta nang patas sa lahat ng mahahalagang aspeto at alinsunod sa International Public Sector Accounting Standards.

Ibinahagi ang magandang balitang ito sa ginanap na Flag Raising Ceremony ngayong araw, Hunyo 15, sa pangunguna ni City Administrator Atty. Leonardo M. Ragaza Jr. Sa kanyang mensahe, kinilala niya ang sama-samang pagsisikap ng City Finance Committee, mga tanggapan sa ilalim nito, at iba pang kawani ng pamahalaang lungsod na naging bahagi ng maayos at responsableng pamamahala sa pondo ng bayan.

Partikular ding binigyang-pugay ang City Accounting Office sa pamumuno ni City Accountant Sheila Manuel, bilang isa sa mga pangunahing tanggapang katuwang sa pagpapanatili ng maayos, tapat, at sistematikong financial reporting ng lungsod.

Ang resulta ng audit ay nagsisilbing patunay sa patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa na itaguyod ang transparency, accountability, at mahusay na pamamahala sa paggamit ng pampublikong pondo.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas, nananatiling nakatuon ang lungsod sa pagpapatibay ng mabuting pamamahala at sa pagpapatuloy ng mga programang naghahatid ng de-kalidad, maaasahan, at makataong serbisyo para sa bawat Rosense.
Share article:

Related Articles