UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 11:08 AM
Stay Up-to-date

Malawakang clean-up drive, tampok sa ikalawang anibersaryo ng “Abot-Kamay para sa Laguna de Bay”

By: Trixie Mae B. Umali
March 16, 2026 | 12:35 PM (GMT+8)
Malawakang clean-up drive, tampok sa ikalawang anibersaryo ng “Abot-Kamay para sa Laguna de Bay”
Malawakang clean-up drive, tampok sa ikalawang anibersaryo ng “Abot-Kamay para sa Laguna de Bay”

Abot-Kamay para sa Laguna de Bay (Photo by: Monroe Cueto / CIO)

Mahigit 1,800 boluntaryo mula sa iba’t ibang pribadong kumpanya, pampublikong institusyon, at non-government organizations ang nagkaisa para sa isang malaking layunin: ang pangalagaan at linisin ang baybayin ng Laguna de Bay.

Noong Marso 13, 2026, sama-samang nakiisa ang mga ito sa malawakang clean-up drive sa Barangay Aplaya bilang bahagi ng pagdiriwang ng ikalawang anibersaryo ng Abot-Kamay para sa Laguna de Bay: Mission in Action – Solid Waste Recovery.

Sa temang “2 Years of Sustained Progress,” ipinakita ng aktibidad na ang tunay na pagbabago ay bunga ng tuloy-tuloy na pagkilos at matibay na malasakit sa kalikasan. Pinangunahan ito ng Laguna Lake Development Authority katuwang ang City Environment and Natural Resources Office, at isinabay sa paggunita sa World Water Day.

Bukod sa clean-up drive, tampok din sa programa ang State of the Lake Address, pagpapakilala ng mga proyektong nakatuon sa solid waste recovery, at ang declaration of support mula sa mga kinatawan ng pamahalaan, pribadong sektor, at environmental organizations na patuloy na nagkakaisa para sa pangangalaga ng lawa. Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sina Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Arlene na bagama’t marami nang naisagawang hakbang ang lungsod sa nakalipas na mga taon para sa Laguna de Bay, nananatili ang paniniwala niyang mas marami pang maaaring gawin.
Malawakang clean-up drive, tampok sa ikalawang anibersaryo ng “Abot-Kamay para sa Laguna de Bay”
Malawakang clean-up drive, tampok sa ikalawang anibersaryo ng “Abot-Kamay para sa Laguna de Bay”
“We know that we can still do more. Marami pa tayong maaaring gawin. Ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa isang proyekto lamang, kundi sa tuloy-tuloy na pagkilos at malasakit ng bawat isa,” pahayag ni Mayor Arlene.

Ayon pa sa punong-lungsod, ang mga ganitong inisyatiba ay sumasalamin sa matagal nang layunin ng lungsod na maging isang sustainable at green city. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta sa mga programang pangkalikasan, unti-unting naisasakatuparan ang mas malinis na baybayin, mas ligtas na katubigan, at mas malusog na kapaligiran para sa lahat.

“We have always aimed of becoming a sustainable and green city, that’s why we continuously push for programs that make it possible. We continuously support initiatives we see as a step towards a cleaner and safer Santa Rosa,” dagdag pa niya.
Malawakang clean-up drive, tampok sa ikalawang anibersaryo ng “Abot-Kamay para sa Laguna de Bay”
Higit pa sa isang simpleng clean-up drive, nagsilbing makapangyarihang paalala ang aktibidad na ang pangangalaga sa Laguna de Bay ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan o ng ilang organisasyon. Isa itong sama-samang responsibilidad ng bawat mamamayan, institusyon, at sektor na nakikinabang sa yaman at buhay na hatid ng lawa.

Sa huli, muling binigyang-diin ng mga tagapagtaguyod ng programa na ang pagprotekta sa Laguna de Bay ay isang pangakong dapat sama-samang pinaninindigan, upang matiyak na mananatili itong buhay, malinis, at kapaki-pakinabang para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.
Share article:

Related Articles