UTC/GMT+8 - July 28, 2026 | 1:14 AM
Stay Up-to-date

FREE Wifi sa 10 paaralan ng Santa Rosa

277

By: Trixie Mae B. Umali
July 17, 2026 | 1:35 PM (GMT+8)
FREE Wifi sa 10 paaralan ng Santa Rosa

Ceremonial Launch and Turn Over of Free Public Internet (Photo by: Monroe Cueto)

Mas malawak na access sa online learning resources at mas maraming oportunidad sa digital world ang bubuksan para sa mga mag-aaral at guro ng 10 paaralan sa Lungsod ng Santa Rosa.

Opisyal na inilunsad noong Hulyo 16, 2026 sa Polytechnic University of the Philippines - Santa Rosa Campus ang mga bagong site ng Free Public Internet Access Program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Pinangunahan ni City Mayor Arlene B. Arcillas ang pagpapasinaya. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng maaasahang internet connection sa edukasyon, paghahanapbuhay, negosyo, komunikasyon, at pagkuha ng mga serbisyo ng pamahalaan.

“Now, more than ever, is the time to strengthen our digital infrastructure and make technology more accessible to every Rosense. Reliable internet access enables students to learn, job seekers to explore employment opportunities, entrepreneurs to grow their businesses, and families to access essential government services,” pahayag ni Mayor Arlene.

Dumalo rin sa programa sina Vice Mayor Arnold B. Arcillas, Congressman Roy M. Gonzales, mga opisyal ng DICT, Department of Education CALABARZON, PUP Santa Rosa, at mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod.
FREE Wifi sa 10 paaralan ng Santa Rosa
FREE Wifi sa 10 paaralan ng Santa Rosa
Bahagi ng programa ang pormal na turnover ng libreng internet access para sa sumusunod na 10 pampublikong paaralan at institusyong pang-edukasyon:

Pulong Sta. Cruz National High School, Don Jose Integrated High School, Dita Integrated School, Leon C. Arcillas National High School, Labas Senior High School, Balibago National High School, Aplaya National High School, Sinalhan Integrated High School, Southville 4 National High School, at PUP Santa Rosa.

Sa pamamagitan ng programa, inaasahang mas mapalalawak ang access ng mga mag-aaral at guro sa online learning materials, digital platforms, research resources, at iba pang serbisyong makatutulong sa kanilang pag-aaral at pagtuturo.

Ipinagkaloob din ang SPARK Training Voucher, na naglalayong paunlarin ang digital skills ng mga benepisyaryo at ihanda sila sa mga oportunidad sa makabagong teknolohiya at lumalawak na digital economy.

Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang pakikipagtulungan nito sa DICT at iba pang ahensya ng pamahalaan upang isulong ang digital transformation at matiyak na mas maraming Rosense ang magkakaroon ng pantay na access sa teknolohiya, impormasyon, at dekalidad na serbisyong pampubliko.
Share article:

Related Articles