UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 11:05 AM
Stay Up-to-date

Unified PWD ID System, inilunsad sa Lungsod ng Santa Rosa

By: Trixie Mae B. Umali
August 15, 2025 | 1:12 PM (GMT+8)
Unified PWD ID System, inilunsad sa Lungsod ng Santa Rosa
Unified PWD ID System, inilunsad sa Lungsod ng Santa Rosa

PWD ID system (Photo by: Monroe Cueto / CIO)

Pormal na inilunsad noong ika-15 ng Agosto 2025 sa Lungsod ng Santa Rosa ang Unified PWD ID System, ang kauna-unahang ganitong sistema sa buong Lalawigan ng Laguna. Layunin ng programang ito na tugunan ang problema sa pekeng PWD ID at mas mapadali ang proseso ng pagkilala, pag-verify, at pagbibigay ng benepisyo sa mga lehitimong taong may kapansanan.

Ang inisyatibong ito ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA). Habang bahagi naman ng technical working group ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Health (DOH), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay NCDA Executive Director Glenda Relova, layon ng sistema na tuluyang alisin ang paggamit ng pekeng PWD ID, isulong ang inclusivity, at mapabuti ang akses ng mga lehitimong PWD sa kanilang mga karapatan at pribilehiyo.

Kasama ang Santa Rosa sa limang piling LGU sa buong bansa na sumailalim sa pre-test mula sa kabuuang 35 LGU na isinama sa pilot testing. Sa paglulunsad, nagsagawa ng end-to-end na demonstrasyon ng sistema upang ituro sa mga kawani ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ang tamang pag-eencode ng data ng mga PWD.
Unified PWD ID System, inilunsad sa Lungsod ng Santa Rosa
Tampok sa bagong ID ang digital version na maa-access sa pamamagitan ng mobile app o web portal, at may kasamang scannable QR code para madaling ma-verify ng mga negosyo at institusyon.

Samantala, nagpasalamat naman si Mayor Arlene sa DSWD para sa pagtitiwala sa lungsod na maging bahagi ng nationwide pilot testing na ito. “This partnership will help us streamline identification processes, improve data management, and ensure that every PWD in Santa Rosa can enjoy the benefits and services they deserve,” aniya.

Dagdag pa niya na malaking bahagi ang Unified PWD ID System na ito sa pagsulong ng lungsod bilang isang Smart City.
Unified PWD ID System, inilunsad sa Lungsod ng Santa Rosa
Sa pagiging unang lungsod sa Laguna na nagpatupad ng Unified PWD ID System, patuloy na pinatutunayan ng Lungsod ng Santa Rosa ang pangunguna nito sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mas mahusay na serbisyong panlipunan at para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan, lalo na ng mga taong may kapansanan.
Share article:

Related Articles