UTC/GMT+8 - July 28, 2026 | 12:06 AM
Stay Up-to-date

₱5 Milyong Pondo para sa “Ang Bagong Ako Center,” ipinagkaloob sa Santa Rosa kasabay ng pagdiriwang ng IDADAIT

110

By: Trixie Mae B. Umali
July 1, 2026 | 1:10 PM (GMT+8)
₱5 Milyong Pondo para sa “Ang Bagong Ako Center,” ipinagkaloob sa Santa Rosa kasabay ng pagdiriwang ng IDADAIT
₱5 Milyong Pondo para sa “Ang Bagong Ako Center,” ipinagkaloob sa Santa Rosa kasabay ng pagdiriwang ng IDADAIT

International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (Photo By: Monroe Cueto / CIO)

Pormal na tinanggap nina Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas, kasama si Congressman Roy Gonzales, ang tsekeng nagkakahalagang limang milyong piso mula sa Dangerous Drugs Board (DDB) para sa itatayong karagdagang pasilidad sa “Ang Bagong Ako Center.” Ginanap ang turnover ng tseke kasabay ng Multi-Sectoral Drug Summit bilang pakikiisa ng lungsod sa pagdiriwang ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) noong Hunyo 22, 2026 sa City Auditorium.

Sa pangunguna ng City Anti-Drug Abuse Office, dinaluhan ang Drug Summit ng iba’t ibang kinatawan mula sa mga tanggapan ng pamahalaan, barangay, kabataan at iba pang sektor ng komunidad upang pagtibayin ang sama-samang kampanya tungo sa isang ligtas, mapayapa, at drug-free na lungsod.

Ang itatayong pasilidad ay inaasahang magiging mahalagang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa prebensyon, paggamot, rehabilitasyon, at reintegrasyon ng mga indibidwal na naapektuhan ng problema sa ilegal na droga.
₱5 Milyong Pondo para sa “Ang Bagong Ako Center,” ipinagkaloob sa Santa Rosa kasabay ng pagdiriwang ng IDADAIT
₱5 Milyong Pondo para sa “Ang Bagong Ako Center,” ipinagkaloob sa Santa Rosa kasabay ng pagdiriwang ng IDADAIT
Kasabay nito, pinarangalan din ang Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ng Certificate of Recognition mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office IV-A bilang pagkilala sa ganap nitong pagsunod at aktibong pagpapatupad ng DDB Board Regulation No. 13, Series of 2018 para sa pagtatatag at institusyonalisasyon ng Drug-Free Workplace Policies sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Ang pagkilalang ito ay patunay ng matatag na pangako ng lungsod sa pagpapanatili ng isang ligtas, malusog, at drug-free na komunidad para sa mga kawani ng pamahalaan at mamamayan.

Bahagi rin ng summit ang isinagawang Pledge of Commitment Signing bilang simbolo ng sama-samang paninindigan ng iba’t ibang sektor laban sa ilegal na droga. Nagkaroon din ng mga talakayan ukol sa mga polisiya, programa, at estratehiya upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang mga hakbang na ito ay patunay ng matibay na pagtutulungan ng DDB, PDEA CALABARZON, Pamahalaang Lungsod, at iba’t ibang sektor sa layuning magkaroon ng isang ligtas at drug-free na komunidad. Ipinapakita rin nito na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi lamang tungkol sa pagpapatupad ng batas, kundi pati na rin sa pagbibigay ng pagkakataon sa pagbabago, paggabay, rehabilitasyon, at pagbuo ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Rosense.
Share article:

Related Articles