Lungsod ng Santa Rosa, kabilang sa 125 LGUs na lumagda sa MOA para sa DepEd Classroom Acceleration Program (CAP)
By:Trixie Mae B. Umali
February 26, 2026 | 2:01 PM (GMT+8)
Kabilang ang Lungsod ng Santa Rosa sa 125 local government units (LGUs) sa buong bansa na pormal na nakibahagi sa Memorandum of Agreement (MOA) Signing para sa Classroom Acceleration Program (CAP) ng Department of Education (DepEd) noong Pebrero 23, 2026.
Dumalo sa seremonya si Mayor Arlene B. Arcillas, kasama ang iba pang local chief executives, bilang patunay ng mas pinatatag na ugnayan ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa mga paaralan sa buong bansa.
Sa panayam, nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Arlene sa pambansang pamahalaan sa pagtutulak ng programa at sa pagsasama ng Santa Rosa sa CAP.
“Nagpapasalamat tayo sa Department of Education, at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa pagtulak at pagbibigay-prayoridad sa Classroom Acceleration Program. Malaking bagay ang pagsama ng Santa Rosa sa programang ito dahil malinaw na kinikilala ng national government na ang mabilis at dekalidad na pagpapatayo ng silid-aralan ay susi sa pag-angat ng edukasyon sa ating bansa,” ani Mayor Arlene.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng aktibong paglahok ng mga LGU sa pagpaplano at pagsasakatuparan ng mga proyektong pang-edukasyon.
“Mahalaga na involved ang mga lokal na pamahalaan sa pagdedesisyon at implementasyon ng mga classroom projects. Ang mga LGU ang pinakamalapit sa mga paaralan at komunidad, kaya mas mabilis nating natutukoy kung saan pinakamalaki ang pangangailangan, paano mas magiging episyente ang proseso, at paano masisiguro ang kalidad at kaligtasan ng mga pasilidad,” dagdag niya.
Para sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa, ang pagtatayo ng mga bagong school buildings at classrooms ay higit pa sa pagresolba sa classroom shortage. Ito rin ay paglikha ng mas maayos na kapaligiran na makatutulong sa pagkatuto at pagtuturo; mas ligtas, mas maaliwalas, at mas angkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral at guro.
“Naniniwala ako na ang mga bagong school buildings at classrooms ay hindi lamang tugon sa kakulangan at siksikan. Ito ay pamumuhunan upang makalikha ng mas ligtas, mas maayos, at mas makabuluhang learning environment, kung saan mas nakapagtutuon ang mga mag-aaral at mas nagiging epektibo ang pagtuturo ng ating mga guro.
Para sa Santa Rosa, ang CAP ay nangangahulugan ng mas maraming oportunidad para sa ating learners: mas maaliwalas na silid-aralan, mas maayos na pasilidad, at mas matibay na pundasyon para sa mas mataas na kalidad ng edukasyon. Ito ay isang konkretong hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan ng kabataang Rosense,” pahayag ni Mayor Arlene.
Ano ang Classroom Acceleration Program (CAP)
Inilunsad ng DepEd ang CAP sa gitna ng patuloy na hamon sa kakulangan ng silid-aralan bilang isang komprehensibong programa na naglalayong pabilisin ang pagtatayo ng mga bagong classroom at tiyakin ang mas ligtas, mas matibay, at mas makabagong pasilidad para sa mga mag-aaral na Pilipino.
Layunin nitong tugunan ang classroom shortage sa pamamagitan ng mas mabilis at mas episyenteng procurement, mas pinalakas na pakikipagtulungan sa mga LGU, at paggamit ng makabagong disenyo at teknolohiya sa konstruksyon. Sa ganitong paraan, napapabilis ang pagtatayo habang masisiguro ang kalidad ng mga gusali at pasilidad na gagamitin ng mga mag-aaral araw-araw.
Ayon sa DepEd, ang CAP ay hindi lamang simpleng infrastructure project, kundi isang pangmatagalang pamumuhunan sa edukasyon na direktang makaaapekto sa kalidad ng pagkatuto at sa pangkalahatang kundisyon ng mga paaralan.
Sama-samang pagkilos para sa mas maayos na paaralan
Sa seremonya ng MOA, binigyang-diin ng mga dumalong opisyal ang kahalagahan ng kooperasyon upang matiyak na ang bawat komunidad, lalo na ang mga nasa malalayong lugar, ay magkakaroon ng sapat at maayos na pasilidad para sa edukasyon. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, higit pang pinatitibay ang koordinasyon sa pagpapatupad ng malawakang classroom building initiative.
Ang Classroom Acceleration Program ay patunay na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon. Sa pakikiisa ng mga local chief executives, mas napapalakas ang implementasyon ng programang ito hanggang sa antas ng mga lungsod at bayan.
Para sa Lungsod ng Santa Rosa, ang pakikilahok sa CAP ay kaakibat ng patuloy na adbokasiya nitong makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at mas maayos na pasilidad para sa bawat mag-aaral. Sa huli, ang bawat bagong silid-aralan na maitatayo sa ilalim ng CAP ay hindi lamang konkretong istruktura, kundi simbolo ng pag-asa, oportunidad, at mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataang Pilipino.