Mga batang atletang Rosense, kinilala ng Pamahalaang Lungsod
97
By:Trixie Mae B. Umali
June 9, 2026 | 3:29 PM (GMT+8)
Kinilala ng Pamahalaang Lungsod at ng Department of Education (DepEd) Santa Rosa City Scjols Division ang mga natatanging atletang Rosense na nagbigay ng karangalan sa lungsod at sa buong CALABARZON sa katatapos lamang na Palarong Pambansa 2026 na ginanap sa Agusan del Sur mula Mayo 24 hanggang 31.
Sa isinagawang Flag Raising Ceremony nitong Lunes, binigyang-pugay ang mga mag-aaral na nagkamit ng mga medalya at karangalan sa iba't ibang larangan ng palakasan tulad ng Athletics, Chess, Badminton, Gymnastics, Wrestling, at Karatedo.
Sa Athletics, nagwagi si Princess Janine Amarante ng gintong medalya sa Elementary Girls' 1500-Meter Run.
Sa Chess, nagningning si WFM Jemaicah Mendoza sa Secondary Girls category matapos makuha ang gintong medalya sa Rapid Individual Event at Rapid Team Event, at tansong medalya sa Standard Team Event. Samantala, nakamit naman ni Neil Kaiden Amatorio ang pilak na medalya sa Standard Team Event ng Elementary Boys division.
Nag-uwi rin ng gintong medalya sina Jan Jewel V. Pimentel at Alexandria Gail D. Noceja sa Elementary Girls' Doubles ng Badminton, habang nagkamit ng tansong medalya si Roshie Mae N. Quierez sa Secondary Mixed Doubles.
Sa Gymnastics, nakakuha ng tansong medalya si Kaye Margarette P. Mitra sa Women's Artistic Gymnastics–Elementary category.
Patuloy namang pinatunayan ng Santa Rosa City Lions Wrestling Team ang kanilang husay matapos magtapos bilang 3rd Overall sa Wrestling Team Classification. Nanguna rito si John Rafael I. Gomez na nagkamit ng gintong medalya sa 62-kilogram Juniors Division. Nakakuha naman ng pilak na medalya sina Florgie Jr. S. Juliano sa 54-kilogram Juniors Division at Ian Kurl D. Jasminez sa 58-kilogram Juniors Division, habang nag-uwi ng tansong medalya si Jhea Mae D. Aban sa 48-kilogram Juniors Division.
Sa Karatedo, nasungkit ni Prince Delos Reyes ang gintong medalya sa 10-12 Male Open Kata category.
Samantala, hindi rin nagpahuli ang mga atletang kabilang sa Special Needs Education (SNED) Program ng Santa Rosa. Nagpakitang-gilas ang Team SNED Santa Rosa sa Paragames ng Palarong Pambansa 2026 at nagtapos bilang Overall Top 3 sa buong kompetisyon.
Kabilang sa mga nagbigay ng karangalan ang atletang si Michael Bolor, na nagwagi sa Athletics event ng Intellectual Disability (ID) Junior Boys category, at si Arjhade Mina, na nagkamit ng tansong medalya sa Visually Impaired category.
Ayon sa DepEd Santa Rosa City, ang tagumpay ng mga atletang ito ay bunga ng kanilang sipag, tiyaga, at dedikasyon, gayundin ng walang sawang suporta ng kanilang mga coach, trainer, paaralan, at mga magulang. Malaking bahagi rin nito ang suportang mula sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa sa pangunguna nina Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas.
Ang pagkilalang ito ay nagsilbing pagpupugay sa mga kabataang Rosense na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon at karangalan sa Santa Rosa sa larangan ng palakasan. Patunay din ito na kayang makipagsabayan at magtagumpay ng mga kabataaan ng lungsod sa pinakamataas na antas ng kompetisyong pampalakasan sa bansa.