UTC/GMT+8 - May 29, 2026 | 4:00 AM
Stay Up-to-date

Mayor Arlene, kauna-unahang ginawaran ng “Gawad Josephus Emile H. Stevenot for Organizational Transformation” ng BSP

132

By: Trixie Mae B. Umali
May 22, 2026 | 2:50 PM (GMT+8)
Mayor Arlene, kauna-unahang ginawaran ng “Gawad Josephus Emile H. Stevenot for Organizational Transformation” ng BSP

Gawad Josephus Emile H. Stevenot for Organizational Transformation (Photo By: Monroe Cueto / CIO)

Sa tunay na paglilingkod, ang pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa posisyon o parangal. Mas nakikita ito sa kakayahang magpatibay ng mga institusyon, magbigay ng malinaw na direksyon, at lumikha ng pagbabagong may pangmatagalang epekto sa kabataan at pamayanan.

Pinatunayan ito ni City Mayor Arlene B. Arcillas matapos siyang gawaran ng “Gawad Josephus Emile H. Stevenot for Organizational Transformation” mula sa Boy Scouts of the Philippines National Office. Si Mayor Arlene ang nagsisilbing Council Chairperson ng BSP–Santa Rosa Council.

Iginawad ang prestihiyosong parangal noong Mayo 21, 2026 sa Annual National Council Meeting na ginanap sa Waterfront Hotel, Lahug, Cebu City.

Ipinagkaloob ang pagkilalang ito kay Mayor Arlene bilang pagkilala sa kanyang natatanging pamumuno, dedikasyon, at mahalagang ambag sa pagpapalakas ng BSP bilang organisasyong patuloy na humuhubog sa disiplina, malasakit, pagiging makabayan, at kahandaan ng kabataang Pilipino.

Bilang Council Chairperson ng BSP–Santa Rosa Council, pinangunahan ni Mayor Arlene ang mga repormang nagbigay ng mas malinaw na direksyon, mas maayos na sistema, at mas matatag na pundasyon para sa organisasyon. Kabilang dito ang digital transformation at operational efficiency, governance and structural reforms, at pagpapalakas ng membership growth at volunteer engagement.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, higit na naging organisado, episyente, at tumutugon sa pangangailangan ng kabataan ang BSP–Santa Rosa Council. Ang mga pagbabagong ito ay hindi lamang nakatuon sa mas mahusay na pamamahala, kundi sa mas malawak na layuning mas marami pang kabataan ang maabot, mahubog, at mabigyan ng pagkakataong maging responsable, handa, at aktibong mamamayan.
Mayor Arlene, kauna-unahang ginawaran ng “Gawad Josephus Emile H. Stevenot for Organizational Transformation” ng BSP
Mayor Arlene, kauna-unahang ginawaran ng “Gawad Josephus Emile H. Stevenot for Organizational Transformation” ng BSP
Ang parangal ay ipinangalan kay Col. Josephus Emile H. Stevenot, isa sa mga kinikilalang haligi ng Boy Scouts of the Philippines. Para sa Santa Rosa, ang pagkilalang ito ay patunay na ang Serbisyong Makatao ay naipapamalas hindi lamang sa mga programa ng pamahalaang lungsod, kundi maging sa mga institusyong katuwang nito sa paghubog ng susunod na henerasyon.

Dagdag karangalan din para sa lungsod ang pagkakahalal kay City Administrator Atty. Leonardo M. Ragaza, Jr. bilang regular member ng National Executive Committee ng BSP, na higit pang nagpapatibay sa aktibong pakikilahok ng Santa Rosa sa pagsusulong ng scouting movement sa bansa.
Share article:

Related Articles