UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 9:55 AM
Stay Up-to-date

SANGGUNIANG PANLUNGSOD NG SANTA ROSA, ITINANGHAL NA REGIONAL WINNER SA 2025 LOCAL LEGISLATIVE AWARD

By: Trixie Mae B. Umali
November 19, 2025 | 11:18 AM (GMT+8)
SANGGUNIANG PANLUNGSOD NG SANTA ROSA, ITINANGHAL NA REGIONAL WINNER SA 2025 LOCAL LEGISLATIVE AWARD

Sangguniang Panlungsod ng Santa Rosa (Photo by: CIO)

Muling pinatunayan ng Lungsod ng Santa Rosa ang kahusayan nito sa pamamahala matapos hirangin ang Sangguniang Panlungsod bilang Regional Winner ng Region 4-A sa 2025 Local Legislative Award (LLA) sa ilalim ng Component City Category.

Nakuha ng Sangguniang Panlungsod ng Santa Rosa ang napakataas na iskor na 96.5 batay sa isinagawang evaluation ng Regional Awards Committee na nagsuri sa iba’t ibang sangguniang panlungsod at bayan sa rehiyon. Patunay ito ng mahusay, makabago, at makataong paggawa ng batas ng Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Vice Mayor Arnold B. Arcillas. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lungsod na makamit ang naturang prestihiyosong regional na parangal.

Bago magwagi sa regional level, unang kinilala ang Lungsod ng Santa Rosa bilang Provincial Winner sa 2025 LLA, na nagsilbing daan upang ito ay makapasok at tuluyang magtagumpay sa antas ng rehiyon. Noong 2018 Local Legislative Awards, naging 1st Runner-Up sa Provincial Level ang Sangguniang Panlungsod ng Santa Rosa, patunay ng kanilang tuloy-tuloy na pag-angat at pagpapatibay ng lokal na lehislasyon.

Bihira at hindi madaling makamit ang Local Legislative Award (LLA) sapagkat ito ay ibinibigay lamang kada tatlong taon upang kilalanin ang mga natatanging sangguniang panlungsod at bayan sa buong bansa. Bagama’t triennial ang pambansang parangal, ang pagsusuri at pagbibigay-parangal sa iba’t ibang antas ay isinasagawa nang regular sa loob ng tatlong taong cycle na ito, kaya mas pinahahalagahan ang bawat pagkilalang naipagkakaloob.

Ang pagkilalang ito ay iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) at Philippine Councilors League (PCL). Layunin ng LLA na kilalanin ang mga lokal na sanggunian na may natatanging ambag sa mabisa, matapat, at makabagong pamamahala sa kanilang nasasakupan.

Ayon sa DILG, kinilala ang Sangguniang Panlungsod ng Santa Rosa dahil sa mga ordinansang tumutugon nang direkta sa pangangailangan at kapakanan ng mga mamamayan at sa patuloy nitong pagtuon sa transparency, accountability, at people-centered policymaking. Nagsisilbi itong matibay na huwaran para sa iba pang lokal na pamahalaan sa buong rehiyon.

Itinuturing ang parangal na ito bilang patunay ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa na itaas ang antas ng serbisyo publiko at palakasin ang pundasyon ng sustainable development sa lungsod. Isa itong mahalagang hakbang tungo sa mas maunlad, mas maayos, at mas makataong pamamahala sa ilalim ng bandila ng “Serbisyong Makatao, Lungsod na Makabago.”

Samantala, ang Ikawalong Sangguniang Panlungsod ng Santa Rosa ay binubuo ng mga konsehal na sina Councilor Jose B. Catindig, Jr., Councilor Carmela Rosa Gonzales-Colmenar, Councilor Luisito B. Algabre, Councilor Mythor C. Cendaña, Councilor Ma. Theresa C. Aala, Councilor Niño Marco R. Villanueva, Councilor Antonia T. Laserna, Councilor Laudemer A. Carta, Councilor Eusebio C. Batitis, Jr., Councilor Maria Janine Cydney R. Aala, Councilor Petronio C. Factoriza at Councilor Manuel G. Alipon, kasama rin sina ABC President Godofredo Dela Rosa at SK Federation President Patrick Ivhan B. De Guzman.

Ang kanilang sama-samang paglilingkod at dedikasyon ang patuloy na nag-aangat sa antas ng lokal na lehislasyon sa Lungsod ng Santa Rosa.

Nagwagi rin sa iba pang kategorya ng Region 4-A ang Lucena City na nakakuha ng 89 sa Highly Urbanized City Category, ang Candelaria, Quezon na may 86.5 sa 1st to 3rd Class Municipality, at ang Agoncillo, Batangas na nagtamo ng 89.25 sa 4th to 6th Class Municipality.

For more info:
FB [DILG Laguna]:https://www.facebook.com/share/p/19rgh6fiKD/
Share article:

Related Articles