UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 11:07 AM
Stay Up-to-date

Kasunduan para sa pangangalaga ng watershed ng Santa Rosa

By: Trixie Mae B. Umali
January 24, 2024 | 10:17 AM (GMT+8)
Kasunduan para sa pangangalaga ng watershed ng Santa Rosa
Kasunduan para sa pangangalaga ng watershed ng Santa Rosa
Ang Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa, Mitsubishi Motor Philippines Corporation (MMPC), at Save Silang-Santa Rosa River Foundation (S3R2), ay pumirma ng kasunduan upang opisyal na maisakatuparan ang "Adopt A River Project." Ang pagtutulungan na ito ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na pinirmahan noong ika-23 ng Enero 2024.

Kabilang sa pumirma sa tripartite agreement sina Mayor Arlene B. Arcillas; Mr. Takeshi Hara, Presidente at CEO ng MMPC; at EnP. Erlinda C. Creencia, ang Treasurer ng S3R2.

Ang Adopt A River Project ay bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) Program ng MMPC, na naglalayon na pangalagaan ang isang kilometrong bahagi ng Silang-Santa Rosa Watershed. Tunguhin nito na hindi lamang linisin, kundi pangalagaan at irehabilita ang watershed.

Bilang suporta sa kasunduan, ang MMPC ay nagbigay ng Php 720,000 sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa. Ang pondong ito ay ilalaan para sa iba't ibang aktibidad na isasagawa sa loob ng limang taon, na naglalayong tuloy-tuloy na pagpapabuti, paglilinis, at pagpapaganda ng watershed.
Kasunduan para sa pangangalaga ng watershed ng Santa Rosa
Kasunduan para sa pangangalaga ng watershed ng Santa Rosa
Mahalaga rin ang papel ng Pamahalaang Lungsod, lalo na sa pagbibigay suporta at pakikiisa sa mga aktibidad ng MMPC at S3R2. Ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng lungsod ang magtatalaga ng isang focal person na magiging pangunahing kasangga ng MMPC sa pamamahala ng mga aktibidad. Kasama rito ang pagtatayo ng mga floating trash traps para sa epektibong pagkuha ng mga basura sa ilog.

Sa kabilang banda, ang S3R2 ay nakatutok sa pagbibigay ng dagdag na kaalaman, pagsasanay, at seminar tungkol sa Silang-Santa Rosa Watershed. Ang kanilang target ay ang mga komunidad at ang mga kalapit na paaralan, upang lalo pang palawakin ang kaalaman at kamalayan sa kahalagahan ng watershed.

Ang ganitong uri ng Public-Private Partnership ay matagal nang kinikilala bilang isa sa mga pundasyon ng patuloy na pag-unlad ng lungsod. Ang proyektong ito ay hindi lamang nagpapakita ng pagkakaisa ng iba't ibang sektor, kundi pati na rin ang kanilang dedikasyon sa pangangalaga ng kalikasan at sa kapakanan ng komunidad.
Share article:

Related Articles