UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 11:05 AM
Stay Up-to-date

Natatanging Local Civil Registry Office, iginawad sa Santa Rosa CCRO

By: Trixie Mae B. Umali
March 2, 2026 | 4:32 PM (GMT+8)
Natatanging Local Civil Registry Office, iginawad sa Santa Rosa CCRO

Local Civil Registry Office (Photo by: Monroe Cueto / CIO)

Kapag mabilis, malinaw, at maaasahan ang proseso ng civil registration, mas nagiging magaan ang pagkuha ng mahahalagang dokumento para sa trabaho, pag-aaral, paglalakbay, at iba pang pangangailangan ng bawat mamamayan. Ito ang patuloy na pinatutunayan ng City Civil Registry Office (CCRO) ng Santa Rosa matapos itong kilalanin bilang Outstanding Local Civil Registry Office (2nd Place) sa Provincial Level.

Ang parangal ay iginawad ng Philippine Statistics Authority – Provincial Statistical Office of Laguna bilang pagkilala sa mataas na pamantayan at mahusay na serbisyo ng tanggapan sa larangan ng civil registration.

Sa ilalim ng pamantayan ng PSA, sinuri ang mga Local Civil Registry Office batay sa maayos na record management, episyenteng implementasyon ng mga programa, at mabilis na paghahatid ng serbisyo sa publiko. Ang pagkakasungkit ng ikalawang puwesto ng Santa Rosa ay patunay ng dedikasyon, disiplina, at propesyonalismo ng mga kawani ng CCRO sa araw-araw na pagtugon sa pangangailangan ng mga kliyente.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na kinilala ang husay ng tanggapan. Kamakailan, nakamit din ng CCRO ang 4th Place sa 2024 CALABARZON Outstanding Local Civil Registry Office (Extra Large Category). Ipinapakita nito ang tuloy-tuloy na pagsisikap ng Santa Rosa na mapanatili ang de-kalidad na serbisyo hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa buong rehiyon.

Ang mga parangal na ito ay sumasalamin sa tiwala ng publiko at sa adbokasiya ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa na maghatid ng tapat, maayos, at de-kalidad na serbisyo para sa bawat mamamayan.

Sa sunod-sunod na pagkilalang ito, lalo pang pinagtitibay ng Santa Rosa ang reputasyon nito bilang isa sa mga nangunguna sa mahusay at makabagong pamamahala, alinsunod sa diwa ng slogan nitong “Serbisyong Makatao, Lungsod na Makabago.”
Share article:

Related Articles