Ang isang lungsod na tunay na umuunlad ay hindi nakakalimot sa mga taong tumulong maglatag ng pundasyon nito.
Ang mga senior citizen ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan ng Santa Rosa. Sila ang mga magulang, manggagawa, guro, negosyante, lingkod-bayan, at mamamayang nagsikap at naging katuwang sa paghubog sa maunlad na lungsod na tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon.
Bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at mahalagang ambag, patuloy na nagpapatupad ang Pamahalaang Lungsod ng mga programang nagbibigay ng suporta at pagkalinga sa kanilang sektor. Isa rito ang Local Social Pension Program, na nagkakaloob ng taunang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong senior citizen ng lungsod.
Noong Hulyo 7, 2026, sinimulan ang pamamahagi ng local social pension sa mga aprubadong benepisyaryo mula sa Barangay Aplaya, Balibago, at Caingin.
Para sa ilan, ang tulong ay pandagdag sa pambili ng gamot. Para naman sa iba, magagamit ito sa pagkain, bayarin sa bahay, at iba pang pangunahing pangangailangan. Higit pa sa halaga nito, ipinapakita ng programa na kinikilala at pinahahalagahan ng Santa Rosa ang kanilang naging bahagi sa pag-unlad ng lungsod.
Ang programa ay itinatag sa pamamagitan ng Ordinance No. 2223, Series of 2024, o ang “City of Santa Rosa, Laguna Local Social Pension for Senior Citizens Ordinance.” Sa ilalim nito, naglalaan ang Pamahalaang Lungsod ng kabuuang ₱3,000 bawat taon para sa bawat kwalipikadong senior citizen. Itinatakda rin ng ordinansa na ang tulong ay ipagkakaloob sa mga aprubadong benepisyaryo sa semi-annual na paraan.
Hindi nakabatay sa kita o katayuang pinansyal ang pagiging kwalipikado sa local social pension. Gayunman, hindi rin ito awtomatikong ibinibigay sa lahat. Ang benepisyaryo ay dapat hindi bababa sa 60 taong gulang, residente ng Santa Rosa nang hindi bababa sa dalawang taon, at rehistrado sa Office for Senior Citizens Affairs o OSCA.
Patuloy ding isinasagawa ang validation at updating ng database upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Naiiba ang lokal na programa sa Social Pension for Indigent Senior Citizens o SPISC ng Pambansang Pamahalaan. Sa ilalim ng RA 9994, na sinusugan ng RA 11916, tumatanggap ng ₱1,000 kada buwan ang mga kwalipikadong indigent senior citizen. Samantala, ang local social pension ay hindi nakabatay sa indigency, kundi sa edad, haba ng paninirahan sa lungsod, OSCA registration, at iba pang itinakdang requirements.
Magkahiwalay ang dalawang programa. Kaya ang isang senior citizen na kwalipikado sa SPISC ay maaari ring tumanggap ng ₱3,000 taunang local social pension kung natutugunan niya ang mga lokal na pamantayan. Ang local social pension ay karagdagang suporta at hindi pamalit sa benepisyong ipinagkakaloob ng Pambansang Pamahalaan.
Hindi lamang ito simpleng pamamahagi ng tulong pinansyal. Isa itong konkretong pagkilala sa dignidad, karapatan, at mahalagang papel ng mga senior citizen sa kanilang pamilya, pamayanan, at lungsod.
Sa pangunguna ni Mayor Arlene B. Arcillas, katuwang si Vice Mayor Arnold B. Arcillas at ang Sangguniang Panlungsod, patuloy na pinatutunayan ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa na ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nasusukat sa mga gusali, imprastraktura, negosyo, at paglago ng ekonomiya. Nasasalamin din ito sa mga programang nagbibigay ng seguridad at pagkalinga sa bawat mamamayan.
Sa bawat local social pension na naipagkakaloob, malinaw ang mensahe ng lungsod: hindi nakakalimutan ang mga naglingkod, nagsakripisyo, at naging bahagi ng pag-unlad nito.
Sa Santa Rosa, ang pagkalinga sa mga senior citizen ay higit pa sa isang programa. Isa itong pagkilala at pasasalamat na isinasabuhay sa pamamagitan ng serbisyong makatao sa lungsod na makabago.