UTC/GMT+8 - May 29, 2026 | 6:36 AM
Stay Up-to-date

Rabies Diagnostic Lab ng CVO Santa Rosa, pasado sa RADDL Proficiency Testing; pinaka-una sa Laguna

72

By: Trixie Mae B. Umali
May 20, 2026 | 9:40 AM (GMT+8)
Rabies Diagnostic Lab ng CVO Santa Rosa, pasado sa RADDL Proficiency Testing; pinaka-una sa Laguna

Certification of RADDL Assessment (Photo by: City Veterinary Office)

Sa laban kontra rabies, mahalaga ang mabilis, tama, at maaasahang pagsusuri. Sa Santa Rosa, muling pinatunayan ng City Veterinary Office ang kahandaan at kakayahan ng lungsod na magbigay ng ligtas at de-kalidad na serbisyong beterinaryo, matapos maitala ang isang mahalagang pagkilala: ang Santa Rosa City Rabies Diagnostic Laboratory ang kauna-unahang LGU-run rabies laboratory sa Laguna na nakapasa sa RADDL assessment.

Nakatanggap ng gradong “PASSED” ang Santa Rosa City Rabies Diagnostic Laboratory ng City Veterinary Office mula sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) matapos matagumpay na makapasa sa isinagawang Proficiency Testing para sa paggamit ng Rabies Lateral Flow Device (LFD) sa rabies diagnosis.
Isinagawa ang proficiency assessment noong Abril 23, 2026 bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa kakayahan at kahandaan ng mga kawani ng City Veterinary Office sa mabilis, tama, at ligtas na pagtukoy ng rabies.

Layunin ng pagsusuri na higit pang mapahusay ang operasyon ng Santa Rosa City Rabies Diagnostic Laboratory upang mas maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko laban sa rabies, gayundin ang mapanatili ang mataas na kalidad ng serbisyo sa ilalim ng rabies prevention and control program.

Batay sa isinagawang technical evaluation, sinuri ang test accuracy, biosafety compliance, wastong paggamit ng personal protective equipment o PPE, at pagsunod sa tamang waste management protocols ng laboratoryo.

Ang matagumpay na resulta ng assessment ay patunay ng dedikasyon ng mga kawani ng City Veterinary Office sa pagbibigay ng episyente, ligtas, at responsableng serbisyong beterinaryo para sa mga mamamayan ng lungsod.

Ang sertipikasyon ay inilabas ng Department of Agriculture Regional Field Office IV-CALABARZON bilang bahagi ng National Rabies Prevention and Control Program, na naglalayong palakasin ang mga hakbang sa pag-iwas, pagtukoy, at pagkontrol sa rabies sa mga komunidad.
Share article:

Related Articles