UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 9:52 AM
Stay Up-to-date

Lungsod ng Santa Rosa, muling naging Testing Center para sa CSE-PPT

By: Trixie Mae B. Umali
March 6, 2025 | 9:30 AM (GMT+8)
Muling ginanap sa Lungsod ng Santa Rosa ang Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) noong Marso 2, 2025. Ang nasabing pagsusulit ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng Civil Service Commission (CSC) ng Pilipinas para sa mga nagnanais magkaroon ng eligibility upang makapagtrabaho sa gobyerno.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na naging testing center ang lungsod para sa naturang pagsusulit, matapos ang unang pagsasagawa nito noong 2023. Sa taong ito, ginamit bilang testing centers ang apat na paaralan sa lungsod: ang City of Santa Rosa Elementary School - Central I, Central II, Central III, at ang Santa Rosa Science & Technology High School.

Nagtulong-tulong naman ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod sa pangangasiwa ng eksaminasyon upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng pagsusulit.

Ayon sa CSC, layunin ng pagsusulit na masukat ang kakayahan ng mga indibidwal sa iba’t ibang aspeto ng serbisyo sibil. Ang mga makakapasa ay magkakaroon ng eligibility na kinakailangan upang makapasok sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Ipinahayag ng pamahalaang lungsod ang kanilang buong suporta sa programang ito, dahil nagbibigay ito ng oportunidad sa mga residente na makamit ang kinakailangang kwalipikasyon para sa kanilang propesyonal na pag-unlad.
Samantala, inaasahan na ilalabas ng CSC ang resulta ng pagsusulit sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan matapos ang araw ng eksaminasyon. Ang mga nakapasa ay makakatanggap ng opisyal na sertipikasyon bilang patunay ng kanilang eligibility sa pagtatrabaho sa gobyerno.
Share article:

Related Articles