UTC/GMT+8 - August 24, 2026 | 8:10 AM
Stay Up-to-date

OFW Summit 2026 at Overseas Job Fair, Nagbukas ng Mas Maraming Oportunidad para sa mga Rosense

328

By: Trixie Mae B. Umali
August 4, 2026 | 3:18 PM (GMT+8)
OFW Summit 2026 at Overseas Job Fair, Nagbukas ng Mas Maraming Oportunidad para sa mga Rosense
Umabot sa 782 aplikante ang nagkaroon ng pagkakataong makapag-apply sa 420 overseas job vacancies sa isinagawang Overseas Job Fair ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), noong Hulyo 24, 2026 sa Santa Rosa Multi-Purpose Complex, na nagbigay ng panibagong oportunidad sa mga OFW, aspiring OFW, at iba pang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Nasa 420 ang bilang ng overseas job vacancies na maaaring aplayan mula sa walong (8) accredited na overseas recruitment agencies ng Department of Migrant Workers. Habang 404 naman ang nakapasa para sa interview at apat (4) ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot. Kabilang sa mga dumalo ang 594 aplikante mula sa Santa Rosa at 188 mula sa iba pang lugar.

Bukod sa job fair, isinagawa rin ang OFW Summit 2026 na dinaluhan ng 252 kalahok. Tinalakay rito ang ligtas at legal na overseas employment, financial literacy, reintegration programs, at iba pang serbisyong makatutulong sa mga OFW at kanilang pamilya.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Arlene B. Arcillas ang mahalagang papel ng mga OFW bilang mga modernong bayani na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at malaking ambag sa pag-unlad ng bansa. Hinikayat din niya ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking dumaan sa legal at ligtas na proseso upang maprotektahan ang kanilang karapatan at kapakanan.
OFW Summit 2026 at Overseas Job Fair, Nagbukas ng Mas Maraming Oportunidad para sa mga Rosense
Isa rin sa mga tampok na bahagi ng programa ang ceremonial signing ng Memorandum of Understanding para sa Balinkbayan Program sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa at ng Commission on Filipinos Overseas (CFO). Palalakasin nito ang mga programa para sa reintegration, investment, at community development ng mga OFW at kanilang pamilya.

Isinagawa rin ang ceremonial turnover ng isang All-in-One Computer Unit bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyo para sa mga migrante.

Naging katuwang sa programa ang anim (6) na national government agencies, kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW), Commission on Filipinos Overseas (CFO), Land Bank of the Philippines, at iba pang ahensyang nagbigay ng iba't ibang serbisyo at impormasyon. Kinilala rin ang tatlong (3) DMW Livelihood Beneficiaries bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa reintegration ng mga OFWs.

Nakiisa rin sa aktibidad ang mga kabataang kinatawan mula sa LIBERTAS, Lion City Youth, at Kabataan ng Bagong Kongreso bilang resource speakers sa OFW Summit sa mga paksang personality development at financial literacy para sa mga batang anak ng mga OFWs.

Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Overseas Job Fair at OFW Summit 2026, muling pinagtibay ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang layunin nito na makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa disenteng trabaho, tamang impormasyon, at mga serbisyong sumusuporta sa ligtas, legal, at mas maayos na overseas employment.
Share article:

Related Articles