UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 9:54 AM
Stay Up-to-date

Santa Rosa, umani ng mga parangal sa Philippine Smart and Sustainable Communities Award

By: Trixie Mae B. Umali
December 15, 2025 | 2:55 PM (GMT+8)
Santa Rosa, umani ng mga parangal sa Philippine Smart and Sustainable Communities Award
Mula sa libreng sakay at pagbabasa, hanggang sa digital na serbisyong panghanapbuhay at mas mabilis na pagtugon sa sakuna, ipinakita ng Lungsod ng Santa Rosa kung paano nagiging konkretong benepisyo para sa mamamayan ang agham at teknolohiya.

Sa naganap na Philippine Smart and Sustainable Communities Award (PSSCA) na isinagawa kaugnay ng pagdiriwang ng 2025 National Science and Technology Week (NSTW) ng Department of Science and Technology (DOST), kinilala ang Santa Rosa bilang isa sa mga nangunguna sa bansa sa smart at sustainable community development, matapos nitong makamit ang iba’t ibang parangal para sa mga programang tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng komunidad.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Arlene B. Arcillas, ginawaran ang Santa Rosa ng pitong (7) parangal para sa mga programang ginamitan ng Science, Technology, and Innovation (STI) upang mapabuti ang kalidad ng buhay, mapalakas ang kabuhayan, at mapatatag ang kahandaan at kaligtasan ng lungsod.

Pitong parangal para sa pitong makabuluhang inisyatiba

Human Well-Being (Sustained SSC Award Level 3)
Pinarangalan ang Santa Rosa para sa:

  • Santa Rosa Book and Ride: Free Toyota Community Shuttle – programang pinagsasabay ang access sa mobility at kaalaman para mas mapalapit ang serbisyo sa mamamayan

  • Sustainable Nourishment: A Collaboration of Feeding Initiative with the City of Santa Rosa – collaborative feeding initiative na naglalayong palakasin ang nutrisyon at kalusugan ng komunidad


Wealth Protection (Sustained SSC Award Level 3)

  • Santa Rosa Central Command Center (SRCCC) – kinilala bilang mahalagang pundasyon ng mas mabilis na koordinasyon at pagtugon sa mga insidente at pangangailangan sa seguridad at kaligtasan




Wealth Protection (Expanding SSC Award Level 2)

  • Increasing Santa Rosa’s Resilience Through Disaster Preparedness – mga hakbang na nagpapalakas sa disaster preparedness at resiliency

  • Quick Response: Safer Santa Rosa – programang nakatuon sa mabilis at organisadong pagtugon sa emergencies


Wealth Protection (Sustained SSC Award Level 3)

  • Santa Rosa e-Recruit – isang digital system para sa job matching at employment services na mas naglalapit ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho


Wealth Protection (Expanding SSC Award Level 2)

  • Assistance of the Santa Rosa Manpower Training – kinilala ang tuloy-tuloy na suporta sa pag-uugnay ng mga nagsipagtapos sa mas maraming oportunidad sa trabaho at skills development


Ano ang PSSCA at paano ito sinusukat?
Layunin ng PSSCA na kilalanin ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng komunidad at pagpapabuti ng kalidad ng buhay gamit ang mga solusyong nakabatay sa agham, teknolohiya, at inobasyon.

Ang mga entry ay pinapangkat sa apat na thematic categories:

  • Human Well-Being – para sa mga solusyong tumutugon sa kalusugan at nutrisyon, food safety at security, access sa malinis na tubig, pananamit, tirahan, at episyenteng transportasyon

  • Wealth Creation – para sa mga programang lumilikha ng pag-unlad pang-ekonomiya sa pamamagitan ng smart solutions na nagbibigay-halaga sa produkto at serbisyo

  • Wealth Protection – para sa mga solusyong nagpapalakas ng resiliency sa pamamagitan ng climate-adaptive technologies at science-driven disaster preparedness

  • Sustainability – para sa mga inisyatibang nakatuon sa pangmatagalang pangangalaga at pamamahala ng komunidad at kapaligiran


  • Hinahati rin ang bawat kategorya sa maturity-based award levels:

    • Emerging (Level 1) – nagsisimula pa lamang ang mga inisyatiba

    • Expanding (Level 2) – lumalawak ang implementasyon at resulta

    • Sustained (Level 3) – establisado, tuloy-tuloy, at epektibo ang programa

    • Transformative (Level 4) – pinakamataas na antas; malawak ang impact, nakakaimpluwensya sa polisiya, at nagiging modelo ng iba pang LGU


    Idinaos ang awarding ceremony noong Nobyembre 21, 2025 sa Centennial Arena, Laoag City, Ilocos Norte, na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at stakeholders mula sa buong bansa.

    Sa kabuuan, ang mga parangal na ito ay patunay na ang inobasyon sa Santa Rosa ay hindi lang nasa plano, kundi nasasalin sa serbisyong nararamdaman ng tao, alinsunod sa adhikain nitong “Serbisyong Makatao, Lungsod na Makabago.
Share article:

Related Articles