UTC/GMT+8 - April 4, 2026 | 11:08 AM
Stay Up-to-date

P20 kilo ng bigas, murang mga bilihin hatid ng KADIWA sa Lungsod ng Santa Rosa

By: Trixie Mae B. Umali
May 16, 2025 | 9:21 AM (GMT+8)
P20 kilo ng bigas, murang mga bilihin hatid ng KADIWA sa Lungsod ng Santa Rosa

KADIWA (Photo by: Erick Vargas / CIO)

Isinagawa ngayong araw, Mayo 16, 2025, ang KADIWA ng Pangulo sa Lungsod ng Santa Rosa sa pangunguna ng City Agriculture Office. Layunin nitong maghatid ng abot-kayang bilihin sa mga mamamayan.

Isa sa mga pangunahing ibinebenta ay ang P20 kada kilo ng bigas, na siya namang agad na tinangkilik ng mga mamamayan ng lungsod, partikular na ng mga nasa bulnerableng sektor tulad ng PWD, Senior Citizen, Solo Parent, at 4Ps. Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin ang access ng publiko sa abot-kaya at dekalidad na bigas.

Bukod sa bigas, tampok din sa KADIWA ang iba’t ibang mga produktong agrikultural, sariwang gulay at prutas, pasalubong items, at mga damit at handicrafts mula sa iba’t ibang bayan sa Region IV-A CALABARZON.

Ang KADIWA ng Pangulo ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng pamahalaan upang labanan ang kahirapan at tugunan ang isyu ng food inflation sa bansa. Layunin nitong tulungan at palakasin ang komunidad ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng oportunidad na direktang maibenta ang kanilang mga produkto sa mga mamimili nang sa gayon ay mas malaki rin ang kanilang kita.

Gayundin, sa pamamagitan nito ay mas mailalapit sa mga mamamayan ang mga pangunahing produkto na maaaring mabili sa murang halaga.

Ang KADIWA ay regular na isinasagawa sa Lungsod ng Santa Rosa.
Share article:

Related Articles